
Kung masusubukan lang ninyong magturo ng mga estudyante at mahalin sila, malalaman ninyo kung bakit ang bawat guro sa mundo ay ginugustong gumising araw-araw para magturo.
“Experience is the best teacher”
sa panulat ni Niña Jazmines
Isa sa itinuturing kong pinakamagandang taon ang 2012. Marahil, masasabi ninyo sa aking hindi pa napapanahon upang ibuod ko ang taong ito sapagkat tayo ay nasa unang mga araw pa lamang ng Nobyembre. Sa tinagal-tagal kong hindi nakasulat dito, marami akong pinagkaabalahan. Isinubsob ko ang aking sarili sa trabaho at pilit kong inalam at inaalam pa ang mga dapat pang matutunan para mas epektibong guro. Ngayong taon din sinubukan ang tibay ko bilang isang tao.
Marso ngayong taon na ito, ay sinimulan kong muli na ilapit ang sarili ko sa Diyos. Sa palagay ko, kung hindi ka isang relihiyosong tao ay hindi ka magiging interesadong basahin ang panulat kong ito. Pero malay mo, kahit butil lang ay may mapulot ka rito.
Lagi kong sinasabi na ako’y abalang tao. Busybee kung baga! Todo akong magtrabaho sapagkat gusto kong natatapos ang lahat ng dapat gawin. Buong araw ko ay nasa loob ako ng paaralan at sa aking pag-uwi ay palubog na ang araw kaya naman madalas ay hindi na ako interesadong mapadpad pa sa kung saan mang dako. Sa kabila ng pagiging sobrang abala, hindi ako nawalan ng oras para sa isang bagay. Sa taong ito masasabi ko na mas napalapit ako sa Diyos. Sa pagsama-sama ko sa SFC community, nadiskubre ko na higit sa lahat ng materyal na bagay na pwede kong maabot at makuha ay may nakakubling kaligayahan. Sa komunidad na ito ako natutong maging madasalin. Akala n’yo ba ay mas nalayo ako sa mga pagsubok mula noong sumali ako dito? Diyan kayo nagkakamali! Sa pagiging miyembro ko ay niyanig ako ng madaming pagsubok. Ito ay mga pagsubok na talaga namang sumubok sa paniniwala ko at pananampalataya. Hindi ko na siguro kailangang isa-isahin ang mga iyon. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ko emotionally, physically at spiritually, nanatili akong matatag at matibay. Sinabi ko nga kanina, hindi nawala ang mga pagsubok sa buhay mula noong naging miyembro ako nito. Ngunit masasabi ko na ang komunidad na ito ay ang nagmulat sa akin na ang mga pagsubok ay bahagi ng buhay na kailangan kong lampasan upang mas maging matibay. Matagal ko nang alam iyon. Sabi nga ‘diba? “Experience is the best teacher.” Pero ngayon ko lang naisapuso. Ang lahat ng iyon ay nalampasan ko sa tulong ng komunidad na ito. Ang maganda pa rito, kung dati ay mag-isa lamang akong nagdadasal para sa sarili ko, ngayon ay kasama ko na ang buong komunidad ng SFC sa pananalangin. Kaya naman, magpahanggang sa ngayon ay alam kong matibay ako.
Sa bawat pagtatapos ng linggo, lagi kong hinihintay na magkita-kita kami. Ito ang bumubuo ng bawat linggo ng buhay ko. Basta ang alam ko lang, higit na masaya at kuntento ako ngayon.
Sa itaas ay mga larawan ko at ng aking mga kapatid sa SFC community.
Ito ay larawan naming mga guro noong gabi ng Miyerkules sa aming Costume Party. Ang tema namin ay “Are you brave enough?” Kaya naman kung mapapansin ninyo sa aming mga kostyum, kami ay nakasuot ng Vikings. Nakasuot kami bilang mga babae at lalaking handang makipaglaban o mga warrior. Tunay na naging masaya ang gabing ito para sa buong paaralan. Congratulations sa mga guro at mga estudyante!